“Sinuway Ko Si Mama”

“Bago ka umalis ng classroom, silipin mo muna ang ilalim ng desk mo.”

Iyon ang palaging bilin sa akin ni mama noong nasa grade 1 ako. Kailangan kong siguraduhin na walang maiiwang lapis, pambura, papel o libro sa upuan ko. Dapat kapag sinundo niya ako, maayos na ang lahat sa loob ng bag ko.

Ang hindi niya alam ay nakalimutan ko nang siyasatin ang laman ng bagahe ko simula noong araw na tumabi ka sa akin. Hiniram mo ang lapis, pambura, papel at libro ng buhay ko. Lubos akong nagtiwala sa iyo na ibabalik mo ang mga iyon sa akin, subalit nagkamali ako. Umuwi ako na walang natirang gamit.

Nakalimutan kong bawiin ang panulat na ginamit ko para iguhit ang mga mithiin ko. Hindi ko rin nakuha ang pamburang dapat sana’y mag-aalis ng masasamang kataga na sinasambit ko. Nasa iyo rin ang papel na pinagsulatan ko ng bawat karakter na gusto kong gampanan. Higit sa lahat, tangan mo ang librong naglalaman ng kuwento ng aking paglalakbay.

Kung sinunod ko lang ang bilin ni mama, kung tiningnan ko lang iyong upuan kung saan tayo nagkita, marahil hindi ako umuwi nang walang dala! Mabigat man, alam kong darating ako ng bahay nang kumpleto. Uuwi ako nang buo. Pero huli na. Hindi ko sinunod si mama!

”Huwag kang makikipag-usap at sasama sa taong hindi mo kilala.”

Iyon ang isa pang bilin ni mama noong bata pa ako. Hindi ko raw dapat kausapin ang taong ‘di ko alam ang pangalan. Ngunit nang dumating ka’t nginitian ako, agad kong ninais na malaman kung sino ka.

Ikaw iyong may pinaka matamis na ngiti. Ikaw iyong may malalambot na mga labi. Ikaw iyong may pinaka mainit na yakap. Ikaw iyong pinaka malaking inspirasyon ko. Ikaw iyong dahilan kung bakit lumigaya ako. Ang tawag ko sa iyo, ‘pag-ibig.’

Sa sobrang saya ko sa pagdating mo, mabilis akong sumama sa iyo. Habang naglalakad tayo, nakita ko ang tunay mong anyo. Hinila mo ako sa selos. Piniringan ng pagtataksil. Ipinagbili sa kasinungalingan. Ipinagahasa sa pighati.

Inabuso mo ang payak kong puso. Nilinlang ang tampalasan kong pagmamahal!

Kung nakinig lang ako kay mama, kung naging matalino lang ako, siguro hindi mo naangkin ang kamusmusan ng pag-ibig ko. Marahil hindi ako bumalik sa bahay na may marka ng katangahan. Uuwi akong walang bahid ng luha. Pero huli na. Hindi ko sinunod si mama!

Subalit sa kabila ng mga pangyayari, mainam na hindi ko sinunod si mama. Bakit?

Hindi ko malalaman kung gaano kahalaga ang paglilista ng mga pangarap kasi walang umagaw ng lapis ko. Hindi ko malalaman kung paano maging responsable sa bawat bibitawan kong salita kasi walang kumuha ng pambura ko. Kung walang nang-umit ng papel ko ay hindi ko rin malalaman na ako mismo sa sarili ko ay isang makabuluhang papel dito sa mundo. Lagi na lang mananatili ang buhay ko bilang maiksing kuwento kung walang nagparamdam sa akin na ang paglalakbay ko sa daigdig ay wangis ng napaka gandang libro.

Kung sinunod ko si mama, hindi ko malalaman kung paano kilalanin ang mga taong lalapit sa akin.

Hindi ko alam kung paano magtiwala. Hindi ko alam kung paano maging maging alisto. Hindi ko alam kung paano lumaban. Hindi ko alam kung paano maging matatag. Higit sa lahat, hindi ko malalaman kung paano ang magmahal.

Dahil noong sinuway ko si mama naging matatag ako sa harap ng kahinaan; naitama ang mga pagkakamali; nabuo sa bawat pagkawasak, at nakapagsimula sa dulo upang gumawa ng mga susunod na kabanata. Iyong mas malakas, higit na maangas!

Mabuti na lang hindi ko tiningnan ang upuan ko. Mabuti na lang nakipag-kilala at sumama ako sa’yo. Mabuti na lang naging suwail ako. Mabuti na lang sinuway ko si mama!

 

 

 

Mag-iwan ng puna